Wednesday, September 03, 2008

senti :-(


LUHA KO'Y ULAN

blue marvine

Umiiyak na naman ang kalangitan
Kasabay ng paghihinagpis at kalungkutan
Alaala mo'y hindi nalilimutan
Kasabay ng pagbuhos ng malakas na ulan.

Binabalik-tanaw ang masasayang sandali
Pag-ibig na inalay ang s'yang namamayani
Hangad ang walang katapusang pananatili
Halik at yakap mo'y kinakandili.

Masayang sinasalubong ang bawat araw
Ayaw mawala saglit man sa balintataw
Maging sa panaginip ika'y tinatanaw
Labis na minamahal, buhay ko'y ikaw.

Pangarap ko sa buhay ika'y mapasakamay
Iaalay yaring buong aking buhay
Pangakong binitiwa'y hindi mawawalay
Bibigyang kabuluhan ang buhay na makulay.

Nagunit pangarap ko'y mistulang ibinaon
Ito'y tinutulan ng mapaglarong panahon
Pilit binubura ang alaala ng kahapon
Kinukubli sa diwa ang nakalipas na limang taon.

Mapayapang sinalubong ang araw noon
Balak na pagtatapat ang nais bigyang tuon
Iharap sa dambana, mangako sa Poon
Bagong yugto ng buhay, isang pagkakataon.

Magandang tugon ang iyong isinukli
Kasiyahang ipinadama'y hindi maikukubli
Magandang alaala ang nais iuwi
Ngunit 'sang sakuna ang nagdulot ng sawi.

Nais kong sumigaw, nais mapakinggan
Malamang ika'y labis na kailangan
Ngunit kapiling ko'y malamig mong himlayan
Luha ko ngayo'y mistulang isang ulan.




2 comments:

pusangkalye said...

at talagang tula ang unang bumulaga dito. tanung---kaw ba may katha nyan? pero maganda. appreciate ko.

Marvin Valiente said...

opo... ako gumawa nyan...

nakalagay kaya yan sa jaryo suppremo...

initials ko nakalagay dun...

xmpre inspirado me gumawa nun kc deadline na...

hehehehhe....